
Madali na siguro sabihin na aligned sa pagiging “legacy” movie ang Agitator (2001) ni Takashi Miike. Madali makita ang impluwensya ng serye na The Yakuza Papers (1973-2003) ni Kinji Fukasaku dito. Mula sa pagpapakita ng gyerang-yakuza bilang karimarimarim at magulo, hanggang sa pag-subvert nito ng mga tema na noo’y sinusubukan ding pagnilayan ng mga pelikula ni Fukasaku.
Yung pinaka-nakakatuwa sa pag-trato ng Agitator sa mga impluwensya nito ay hindi lamang sa “kultural” na aspeto ng The Yakuza Papers, kundi na rin sa mas pormal na daloy. Hyper na editing at malilikot na barilan na susundan ng handheld na camera – mga signature na kitang kita na hinalaw ni Miike kay Fukasaku. Hindi angat-patong ito upang magdulot ng nostalgia, pero nandoon yung recall at pag-ala-ala. Sensitibo ito sa mga impluwensya nito at binibigyang galang ito, gaano man ito hindi kanais-nais na tinignan sa canon ng Japanese Cinema.
Napaisip tuloy ako kung may parehong tangka sa Filipinas.
May mga nagpresenta ng “homage” nitong huli, partikular yung Ang Pagbabalik ng Kwago (Leonor Will Never Die, 2022) ni Martika Ramirez. Pero tematikong homage lang talaga ito. Hindi katulad nung ginawa ni Miike na mas continuity at development habang may pag saludo pa rin sa naunang forma. Kung titignan naman sa huli eh hindi na rin talaga tumungo sa pag-angat ng pelikulang bakbakan yung Ang Pagbabalik ng Kwago kundi nagamit lang bilang trope sa meta-fiksyonal na tunguhin nito.
Noong 1990s, nagkaroon ng medyo makabagong approach sa action films ang mga malalaking studio, partikular ang Regal at Star Cinema noon sa anyo ng mga pelikulang dinerek nila Francis “Jun” Posadas at Toto Natividad. Karamihan dito pinagbidahan ng mga noo’y makabagong mga aktor na madalas ay anti-hero ang ganap, tulad ni Victor Neri sa Notoryus at Wangbu o yung tambalan nila ni Cesar Montano sa Utol. Pero hindi ko rin talaga maituring sila na continuity ng bakbakan, kumbaga mas nagbigay lang talaga ng alternatibo sila Posadas at Natividad nong panahong yon para sa mga totoong continuity ng bakbakan sa mga pelikula nila William Mayo at Deo Fajardo. Mas angat ang impluwensya ng Hong Kong action movies kina Posadas at Natividad kesa sa impluwensya ng bakbakan. Madalas na lohistikal o ekonomikal lang ang mapapansin mong hibo ng bakbakan sa mga pelikula nila. Mas pag-biyak ang ginawa nila Posadas at Natividad kesa sa pagpatuloy.
Mas namuong pastiche lang ng bakbakan ang pinauso ni E.R. Ejercito noong early-2010s na mas mapalamuti sa Manila Kingpin (2011) at Boy Golden (2012). Mas may recall lang ng pagiging kahalili ni Jorge Estregan Jr. sa mga pelikulang bakbakan noong 90s ang naging ugnay ng mga pelikula.
Naputol talaga siguro sa pagka-impeach ni Joseph Ejercito Estrada bilang pangulo ng Pilipinas yung tali na nag-uugnay sa pelikulang bakbakan sa mga pelikula ng hinaharap. Nabubuhay na lang din sila sa mga re-run sa TV at mga komentaryo hinggil sa mga cliche nito. Hindi na nabigyan ng karampatang pagsiyasat at pagtanaw ang mga pormal na aspeto nito. Maraming aspeto ang naka-iimpluwensya syempre, kasama na dito yung pangkalahatang pagsasawalang-bahala ng kalakhan ng eksena ng “seryosong” pamemelikula at kritisismong pampelikula sa bakbakan at genre cinema. Kung meron mang sumeryoso dito, ay tatanawin lang sa malakolonyal na posisyon ang kanilang pagsiyasat at hindi gagalugarin ang implikasyon ng mga formal na aspeto ng mga pelikula.
Leave a Reply