Para kay Chris (repost)

Napanood mo ba ‘to, Chris? (Two Lane Blacktop)

Itong post na to ay originally nasa Kawts Kamote. Published noong November 2, 2014. Bago tong araw na to, binalikan ko yung mga lumang post ng lumang blog. Naalala ko kasi si Chris Fajardo, isang kaibigan na wala na ngayon. Sa Titus Brandsma ko pa nakilala si Chris non, panahon na una pa lang akong umaattend at pababa naman yung audience number nila(?) (although, I am always under the impression na they are maintaining it low?) Di ko maalala kung kelan sya nawala.

Isa si Chris sa mga unting solid na good guys non sa Cinephiles! nung medyo tuwang tuwa pa kami sa grupo. Sinulat ko tong post isang araw na iniisip ko rin sya, habang tinitignan yung mga hiniram kong DVD na di ko pa non napapanuod, at di ko pa rin napapanuod ngayon at naisosoli.

Hindi ko sya sinilip nung Lamay. Di ko gawain sumilip ng patay sa Lamay. Di ko alam kung bakit.

Naalala ko lang na balikan tong post na ito nang nakita ko na nag-post pala si Wendy tungkol sa kanya noong Feb 2014 (naishare niya kanina). Yun na yung nagbigay sa akin ng desisyon para i-post na lang ulit ito. Naalala ko pa rin si Chris ngayon, pero buti na lang hindi sa panahong tulad ngayon sya nahirapan.


Chris,

Alas dos na. May lakad pa ko mamaya kila Wendy. Di mo siguro alam, pero Wendy and Queen are both expecting new lives to come to their arms. We’re so fond of you, Wendy and I. But Queen (and Princess) probably misses you a lot and would’ve wanted to have you (before any of us) see her baby first when he arrives.

The group, hehe, yung isang binuo natin. CINEPHILES!, mag-a-apat na taon na sa Sabado (sabi ni Adrian Nov 5 daw, di ko maalala talaga, mahina ako sa petsa lalo kung hindi September o December), di ko alam kung tatanungin mo kung kamusta na yung grupo. (Happy Birthday Pala.)

“Personally speaking I can’t wait to watch life tear you apart.” Stoker. Ito kaya ang huli mong napanuod? Ito kasi yung huli mong post. Nung nakita ko to, akala ko galit ka, o kung ano man. Buti nagcomment si Princess.

Alam mo naman siguro, na sumusulat ang tao ng liham di dahil tungkol sa iyo, kundi tungkol sa lumiham. May mga gusto lang akong alamin at sabihin.

(pasensya na nga pala kung medyo sabog yung sulat)

Alam mo na rin naman siguro, na bago ka umalis, malaki na ang pinagbago ng CINEPHILES! Hindi na siya tayo-tayo lang labing-lima. In a sense, hindi na siya sa atin. May iba nang sumaklaw sa kanya. Hindi na to yung palaruan natin dati, kung saan pwede ko i-bahagi kahit anong kamangmangan ko at itatama o isasaayos ninyo ng maayos. Hindi na ko pwedeng pumunta doon nang hindi sumasakit ang mata. Hindi na ako pwedeng pumunta doon at lalabas ng masaya at may bagong alam at excited manuod ng bago at makipagusap sa inyo. Hindi na siya atin, wala na rin siyang buhay (madalas, pero minsan ok), pero gumagana pa rin. May panaka-nakang isyu lang, pero reaksyonaryo, walang dulot na karagdagang diskurso.

Ganun pa rin siya kung paano mo huling iniwan. Walang pinagbago. Naaalatan pa rin ako. Andun pa rin ata yung mga kinaiinisan mo.

Iniisip ko kung paano siya talaga dapat, hindi natin na-project yung future niya nung ginawa natin. Well, masaya tayo nun. Dagdag lang ng dagdag.

Future. Pinag-usapan namin yan ni Adrian kanina, matapos panuorin ang cringe-worthy trailer ng Letters to the Future. Ikaw, sa tingin mo, ano na kaya ang mundo 20-30 years from now? Or even 10 years? Di mo na nga pala problema yun. Pasensya na.

Binabagabag ako ng hinaharap. Wala akong makita. Parang magiging ganyan lang din ang grupong binuo natin pagdating ng hinaharap. Stagnant, walang pagbabago. Dadami ang tao, mawawalan ng silbi. Sa katunayan nga, kaya lang di namin mabitawan ang Cinephiles, dahil sa pag-asang dinudulot ng Cinemalibre. Itong nakaraang apat na taon, maraming akong pinag-bago nang dahil sa grupong to. Optimistic ako dati, pagdating sa paggawa ng pelikula, pagnood at pagkritik. 2010, bata pa ko. Bata pa tayong lahat. Pero yung mabilis na paglago ng grupo, at ang resulta nito, ikina-hinaan ko ng loob. Nagkaroon tuloy ng mga tanong, mainly, kung para saan pa? Gameball pa rin talaga ng naghaharing uri ang Cinema. Babalik ulit sa lumang diskurso, kelan mapapalaya? Bakit ganon tong mga matatandang cinephiles? Bakit dapat nasa-edge lagi? Bakit dapat galit? Bakit dapat maliitin ang arthouse? Bakit dapat maliitin ang mainstream? (ito yung mga tanong ng bata pa ko, tanong pa rin hanggang ngayon, kung sasagutin ng dapat magandang pelikula lang, ano ang magandang pelikula? Taste taste lang ba? Kung ganon, bakit kailangan magtirahan ng personalidad? Di ba talaga pwedeng healthy discourse?). Tumingin ulit ako sa page, mukha na lang siyang update page ng cinema events.

Nasa-akin pa yung mga DVD na ikinulit ko na hiramin sa iyo. Ironic yung dahilan ng paghiram ko sa iyo nun, the mere fact na di talaga ako mahilig sa European films at yun ang mga pinaghihiram ko sa iyo, sinusubukan kong i-educate pa rin ang sarili ko sa tanda kong to. Sinusubukan kong maging open at unawain kung bakit gustong gusto mo ang European films. Pero siguro uunahin ko sa Bias ko muna: panuorin ko muna yung Little Otik mula sa mga pinahiram mo (dahil sa bias ko to kay Svankmajer), saka na si Truffaut at Rohmer.

As much as I would like to critique it, ako rin pala, nostalgic din, tulad ng karamihan. Ramblings lang pala to ng nostalgia ko. Siguro, miss ko lang kayong labing-lima, kung papaano tayo dati na may bukas na pagtanggap sa isa’t isa.

Medyo random, medyo parang bata, di ko rin talaga alam ang sasabihin ko kung magkita ulit tayo. Di ko rin alam kung matutuwa ka, o kahit sino, sa ganitong liham. Pasensya ka na. Siguro hihinto muna ako dito. Sulatan kita ulit sa susunod. Siguro sa susunod may topic na kong buo.

Pasensya ka na talaga.

Epoy

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *