Unang isinulat ang dalawang tala na ito para sa binubuong mga instructional materials para sa asignaturang Introduction to Philosophy of the Human Person para sa Senior High School. Nilayon ko na talakayin ang ideya ng kamatayan na tumutugon sa konsepsyon nito mula sa iba ibang punto, partikular itong kagyat na tugon sa nosyon ni Martin Heidegger ng Being-unto-death (o ang ideya na ang kamatayan ang bubuo sa pag-iral(existence)). Ipinadaan ko ang talakayang ito sa pag-tunggali ng mga ideya ng kamatayan, sarili/iba at kalayaan.
Ang Kaugnayan ng Kamatayan sa ugnayang sarili-iba
Bakit nga ba kailangan nating pag-usapan ang kamatayan, sa murang edad ninyo? Isang hinuha na marami sa kabataan ay maaaring napagninilayan ang kamatayan (sa konspetwal man o sa ibang punto), kaya minarapat ang interbensyong pilosopikal bilang pag-hahanda sa pag-harap dito. Kailangan ng kahandaan dahil alam natin na darating ito: kamatayan lang ang alam natin sa buhay na may kasiguraduhan.
Ngunit madalas, ang pag-harap sa kamatayan ay hindi na talaga alalalahanin ng mamamatay. Ang tunay na humaharap sa kamatayan ay s’yang hindi naghihingalo (maaaring nakararanas sya ng sakit, ngunit hindi nya mararanasan ang kamatayan), bagkus, siyang nakasasaksi ng pag-panaw ng kaluluwa sa katawan. At silang nakararanas ng kamatayan ang tumutunggali at pumipiglas sa pag-tanggap ng katotohanan nito.
Sa kabila ng ating pag-saksi ng kamatayan, ang madalas na bumabagabag sa atin ay hindi ang katotohanang patay na ang taong nakita natin. Kundi, hindi natin alam kung para saan ang kamatayang ito. Hindi natin alam ano ang silbi nito, para sa namatay at para sa atin. Bakit kailangang pag-tiisan ang kawalan? Ang kamatayan ay maaari lang maranasan bilang kamatayan ng iba: hindi natin mararanasan ang ating sariling kamatayan, kahit na mismo sa panahon ng ating kamatayan.
Pinagpapalagay natin na ang katauhan at ang buhay ng isang tao ay di lamang sa kanyang katawan, kundi maging sa isip/kaluluwa, ngunit tila hindi pantay na ganito ang karanasan natin ng kamatayan. Kung ang kamatayan ang hangganan at kumukumpleto ng buhay (o ng pag-iral, ayon kay Heidegger), di nga ba mas mainam na ang katawan at kaluluwa – o ang ideya ng kung ano ang representasyon ng katawan – ay magkasabay na pumanaw? Ngunit hindi ganon ang nangyayari sa katotohanan. Ang nangyayari sa ating pag-danas – pagsaksi – ng kamatayan ay hindi nito kinikitil kasabay ng katawan kung ano man ang nirererpresenta nito. Para sa pilosopong si Gilles Deleuze, an gating karanasan ng kamatayan ay hindi talaga tumatatak sa atin bilang pag-saksi lamang ng ng isang di-gumagalaw at wala nang buhay na katawan, kundi isang “hungkag na anyo ng oras.” Hungkag dahil ang dumadaloy sa ating isip sa pag-tingin sa patay na katawan ay hindi ang katotohanan ng kanyang kamatayan, kundi ang ala-ala ng kanyang buhay. Bumubuo ito ngayon ng isang pag-aalangan: kung ang katawan ang katunayan ng kaluluwa (Aquinas), paano totoong mamamatay ang isang tao, kung hindi ito namamatay sa isipan ng iba? Kung ang buhay natin ay naaalala/inaaalala pa rin sa gunita matapos pumanaw ng ating katawan, totoo bang namatay tayo?
Sa punto ng pag-aalangang ito iniharap ni Deleuze ang kanyang pag-sang-ayon kay Maurice Blanchot tungkol sa dalawang aspeto ng kamatayan. Una, ang personal na kamatayan: kamatayang nakaukol sa Sarili o sa ego. Ang pangalawa ay ang impersonal na kamatayan: isang kamatayang walang kinalaman sa Sarili.
Ang pagtukoy ni Deleuze ng dalawang aspetong ito ng kamatayan ay nagbibigay sa atin ng ideya ng isang ganap na kamatayan, iba sa nosyon ni Heidegger ng kamatayan bilang posibilidad ng absolutong imposibilidad. Sinasabi sa atin ni Deleuze na bukod sa kamatayan ng katawan, ay mayroon ding kamatayan ng ideya ng kung ano ang nirerepresenta ng katawan kung saan ang “indibidwal ay di na bilanggo ng personal na anyo ng “sarili” at ng ego.” Nanggagaling ang puro at ganap na kamatayan mula sa impersonal labas sa ating sarili: kung saan maging ang purong anyo ay kasabay pumapanaw ng katawan. Ang kamatayan ay nanggagaling sa labas at laging nanggagaling sa labas ng ating katawan at kaluluwa,
Kamatayan at Kalayaan
Bilang bahagi ng buhay, kung ang tao ay nabuhay ng malaya, dapat lang din na sakop ng kalayaang ito ang kamatayan. Kung sa dominanteng paniniwala natin ngayon na ang sarili dapat ang nagpapasya kung papaano tayo mabubuhay, di nga ba dapat tayo rin ang nagpapasya ng ating kamatayan? Sa ngayon, tila ang buhay natin ngayon ay malayo sa inaasam na buhay na kaaya-aya. Sa kabila nito, hindi pa rin tayo ang nakapag-papasya ng ating sariling kamatayan.
Ang mga pilosopo ay nagmungkahi sa atin ng kahandaan sa pagtanggap ng katotohanan ng ating kawalang-pagpapasya para sa sariling kamatayan. Kay Socrates, hindi dapat natin ito kinakatakutan kung ito man ay dumating lingid sa ating kaalaman. Kay Heidegger naman, kamatayan ang bubuo sa ating pag-iral. Ngunit ang parehong ideyang ito ay hindi isinasa-alang-alang ang ating kalooban at kalayaan.
Nakita ito ng manunulat na si Thomas Ligotti bilang isang ideolohikal na problema: buong buhay natin ay pinuputakti tayo ng mga kaisipan na “ang mabuhay ay mainam” na may maigting na pagbabale-wala sa negatibong aspeto nito. Ang ganitong pagpapalagay ay nililimitahan tayo sa ganito: sinisiguro man nito na ma-tutupad natin ang ating kalayaan na maaari nating gawin ano man ang nais nating gawin, maliban sa mamatay sa ating sariling pagpapasya.
Bilang isang ideolohikal na problema, ito rin ay usaping politikal. Tila ang mga institusyon at istruktura na bumubuo ng ating lipunan ang bumubuo rin nitong mga ideolohikal na pagpapalagay na ang pananatiling buhay ay mainam at ang pinakamahalaga. Siya nga, ang mabuhay ay mahalaga. Ganon din ang pagiging malaya. Ngunit di nga ba nasasawalang-bahala ang ating kalayaan, kung tayo man ay tunay na malaya, kung kinukuha sa atin maging ang pagpapasya ng ating sariling kamatayan.
Kadalasan, ang pakiwari sa pag-giit ng pagpapasya ng sariling kamatayan ay tinitignan bilang pagtatangka ng pagpapatiwakal. Kinikilala ang pagpapatiwakal bilang ang intensyunal na pag-kitil sa sariling buhay. Ang pagpapatiwakal ay usaping political: krimen ang turing sa pagpapatiwakal sa maraming batas – kriminalisasyon ng pag-gawa ng kalayaan, kahit na ang kadalasang kaso ng pagpapakamatay ay hindi bunga ng rasyunal na pagpapasya. Ang pagpapatiwakal sa ngayon ay kadalasang manipestasyon ng paniniil at karahasan mula sa labas ng nagpapatiwakal.
Ang kondisyon na ito – na ang pagpapatiwakal ay manipestasyon ng karahasan at paniniil mula sa labas ng ating sarili – ay nag-iiwan sa atin ng isang suliranin: posible ba talagang itakda natin ang ating sariling kamatayan?
Tila imposible ang pagpapatiwakal. Ang problemang ito ay unang inihayag ng pilosopong si Emmanuel Levinas. Ang pagiging imposible nito ay nagmumula sa pundayson mismo ng buhay at kamatayan: dahil ang buhay ay di lamang nanggagaling sa tao sa kanyang kakanyahan, gayun din ang kamatayan. Ang buhay ay nangyayari, gayun din ang kamatayan: hindi mo maaaring ipag-palagay ang kamatayan katulad ng hindi mo maaaring ipagpalagay ang buhay. Kabalintunaan nito ang pagpapatiwakal bilang akto ng kalayaan, o pagpapalagay ng sariling kamatayan, kung ang ating buhay mismo ay hindi natin maipagpalagay para sa ating sarili. Ang buhay ay parating binubuo kasama ng iba, ang iba na nasa labas ng ating sarili. Gayun din ang kamatayan: nanggagaling ito parati sa labas ng ating sarili.
Maaaring nasisiguro ng pagiging buhay ang kalayaan, ngunit hindi ng kamatayan. Ang mayroon lang ang kamatayan ay ang kasiguraduhan na darating ito. Sa ating pag-hahanap ng ganap na kalayaan ay hinahanap din natin ang kamatayan sa ating sariling pagpapasya. Ngunit hindi tayo nabubuhay sa ganap na kalayaan. Marami sa atin ay namamatay na labas sa saklaw ng ating kalayaan, maging ang mga nagpatiwakal mismo.
“Kung lahat ma’y mabigo, ako’y may kapangyarihang mamatay!”, bigkas ni Juliet, sa dula ni William Shakespeare na Romeo and Juliet. Kung titignan ang halimbawa ng dalawang nag-iibigang ito, sa kabila ng kanilang kawalang-muang, ang kanilang kamatayan ay hindi lang sa kagustuhan ng sarili, at hindi rin mismo ng kanilang minamahal. Ang kamatayang ito, sa kabila ng lahat, ay ang totoong nag-ugnay sa dalawa. Isang kapangyarihang binunga ng pagmamahal, ang kapangyarihang mamatay.
Bilang pag-tunggali sa ideya dasein ni Heidegger (ang nosyon ng pag-igpaw mula sa pagtitiis sa kung ano ang ibato ng buhay), hinalaw ng radikal na pilosopong si Domingo Castro de Guzman mula sa siping nabanggit mula sa Romeo and Juliet, ang nosyon nya ng kapangyarihang mamatay (power to die). Ang kapangyarihang mamatay ay tumitingin sa kamatayang nagmula sa buhay na di lang nag-tiis dito, ngunit buhay na nakibaka at tumangka na humawan ng daan laban sa buhay mismo. Para kay De Guzman, ang kapangyarihang mamatay ay ang kamatayang umiigpaw sa simpleng kamatayan bilang epekto lamang ng buhay. Dagdag ni De Guzman, may dalawang direksyon lang ng kamatayan: may namamatay na namamatay lang para sa sarili bilang kanyang sarili, tulad ng kamatayan ng isang baboy; at may namamatay para sa mga bagay na lampas sa kanyang sarili.
Ang kapangyarihang mamatay ay di lang inaaalay para sa iba, (at dahil inaaalay ito para sa iba) inaaalay din ito para sa kabutihan. Isang uri ng kamatayang nagbibigay ng bagong diwa at kahulugan sa buhay at kamatayan. Ngunit hindi natin hinahanap ang kamatayan, alam nating darating ito. Ang kapangyarihang mamatay ay ang kapangyarihang ginagamit upang masiguro ang kabutihan ng lahat: isang kapangyarihang impersonal at atemporal, dahil ang kapangyarihang ito ay lampas sa ating sarili at lampas sa panahon. At ang kabutihang sinisiguro dito ay ang kabutihang titiyak sa ganap na kalayaan ng lahat. Isang oryentasyon sa kamatayan na “lulan ng pagpapalaya natin laban sa ating mapaniil na kasalukuyang kalagayan”, laban sa lahat ng pang-aapi. Tiyak na darating ang kamatayan, ngunit para maging makabuluhan ang buhay at kamatayan, inilalaan dapat ito sa pagtitiyak ng mabuting buhay para sa isa’t isa.
Ngunit sa ngayon, ang pagkakaroon ng mabuting buhay ay kinakamkam pa rin mula sa atin. Ang kondisyon para sa mabuting buhay, ang kondisyon din sa pagkakaroon ng mabuting katawan at isipan, ay hindi natin natatamasa. Ang “pagpili” na mamatay sa ganitong kondisyon ay sinususugan lamang ang kalagayang ito. Kailangan nating bawiin ang bumubuo sa ating buhay at ikabubuhay: ang mga bumubuo sa mabuting kaisipan at kolektibong pangangalaga. Kung hindi man natin ito mabawi, ayon sa pilosopong si Reza Negarestani:
Kung wala na sa hapag ng ating pang-araw-araw na buhay ang pagbawi sa pagbuo ng ating kolektibong katalusan, o kahit na ang pinakamalayong posibilidad ng pagiging mabuti para sa ating sarili at sa isa’t isa, panahon na siguro na bawiin na natin, sa kahit anong kaparaaanan, ang pagbuo ng sarili nating kamatayan.
Ang kapangyarihang mamatay ay ang pag-angkin natin para sa mas mabuti, para sa pagbubuo ng mas mabuting buhay. Ito’y pagtitiyak ng ganap na kalayaan, ng komunismo ng kabutihan na lulusaw sa lahat ng mapaniil na panlalahat, ng mga tanikalang sumisiil sa atin.
Leave a Reply