Nilalayon ng Panimulang Kurso sa Pag-aaral ng Sinema / Pelikula ang magbigay ng pamungad na mga paksa at talakayan na pupwedeng pasukan ng mga nagsisimula o mga nagnanais na pag-aralan ang sinema at/o ang pelikula. Ito ay pagtatangka na bigyang daan para sa pangkalahatang pang-unawa ang noo’y pag-aaral na nasa kamay ng mga espesyalista lamang sa kabila ng popular na katangian ng pelikula bilang paksa ng pag-aaral. Bukod dito, inaasam din ng Kursong ito na mabuksan ang posibilidad para sa popularisasyon ng analitikal at kritikal na pag-aaral at pagsisiyasat ng pelikula at kulturang popular sa labas ng akademya.
Ang kurso ay nahahati sa tatlong bahagi: ang Panimulang bahagi, Mga landas sa Pag-aaral ng Sinema, at Mga Piling Usapin sa Paksa ng Sinema at Pelikula.
Ang Panimulang bahagi ay naglalaman ng mga pangkalahatang pakiwari ng Kurso. Mapapansin agad sa bahaging ito na hindi neutral ang tinutungtungan ng kurso, kundi tinatangka nitong mag-lahad at ipakilala ang agenda nito para sa holistiko at siyentipikong pag-aaral ng astetika. Nakapaloob din sa Panimulang bahagi ang mga pagbabaybay sa mga kasaysayan ng pag-aaral ng Sinema/Pelikula: mula sa maiikling pagtatalakay ng kasaysayan ng Sinema/Pelikula mula sa iba-ibang punto (teknolohikal, intelektwal, etc.) hanggang sa kasaysayan mismo ng pag-aaral ng Sinema/Pelikula.
Ang ikalawang bahagi ay nakatuon sa pagsisipi ng Mga Landas sa Pag-aaral ng Sinema. Tatalakayin dito ang mga pangunahing praktika sa pag-aaral ng pelikula (mula sa “Pelikula bilang Wika” hanggang sa “Pelikula bilang Sining”) at mga interseksyon ng mga ito sa ibang salik ng Sinema tulad ng produksyon (kabilang ang mga kombensyong naratibo at astetiko, mga artista’t prodyuser, etc), konsumsyon (sa anyo ng manunuod), at feedback (sa anyo ng reviews at kritisismo). Susuriin at tatalakayin ang mga ito batay sa nilalayong agenda sa pag-sasaayos ng pag-aaral ng Sinema at Pelikula nang may holistiko at siyantipikong tunguhin,
Ang huling bahagi ay magtatalakay ng mga piling isyu na umuusbong sa kritikal na pag-aaral ng sinema/pelikula at kultura. Bibigyang diin dito ang ilang mahahaalagang paksa tungkol sa pagbabangga ng Sinema/Pelikula at ng kasaysayan, ekonomiya, pulitika, teknolohiya, at ideolohiya.
Upang tugunan ang nilalayong popularisasyon, isa sa mga kagyat na mapapansin sa kurso ay ang pagkakaroon nito ng iba ibang pahina para sa iba ibang wika sa Filipinas. Sa ngayon ay mayroon pa lamang na edisyon para sa Bikol, Cebuano, Ilocano, at Tagalog. Ang paggamit ng mga wika ay mas naka-sandal sa mas popular na pag-gamit nito, imbes na sa “pormal” o “purong” gamit nito. Mapapansin ang pagiging kolokyal at paminsan-minsa’y pagiging balbal ng mga talakayan dahil dito.
- Mga Landas sa Pag-aaral ng Sinema/Pelikula
- Mga Isyu sa Sinema
- Mga Mungkahing Babasahin