Ang katagang ‘sinema’ ay una kong nabasa sa sanaysay ni Rolando Tolentino na pinamagatang “Pambansang Sinema mula sa Antagonismo at Kolaborasyon ng Indie at Mainstream Cinemas.”1 Mapapansin mismo sa pamagat ng sanaysay na pinag-kunan ang sabay na paggamit ng ‘sinema’ at ‘cinema’ sa iisang pangungusap. Ang punto ay ang pagtatangi sa pagitan ng adapsyon at indigenization (sa ‘sinema’) at salitang-hiram (sa ‘cinema’).
May tanong din na maaaring umusbong: bakit pinili ko na ‘sinema’ ang ipangalan seryeng ito at hindi ‘pelikula’? Pragmatiko at materyalista ang pinanggagalingan ng aking pagtatangi sa pagitan ng ‘sinema’ (o ‘cinema’ sa pinag-angatan nitong wika) at ‘pelikula’ (o ‘film’). Subukan nating pag-hambingin ang dalawang salita.
Mula sa pragmatikong pagpapalagay, ang ‘pelikula’2 ay tumutukoy sa isang bagay. Isang kongkretong bagay. Sa usapin ng cinema, napag-papalit ang pinapanuod na pelikula at ang bagay na sisidlan (storage) nito (maaaring nitrate o celluloid o video file, di na kailangan pang ipagtangi). Sa materyalistang pakiwari, ang pelikula ay syang pinapanuod, kung ang usapin ay ang cinema. Medyo mapanlinlang ang salitang ito kung pagbabatayan ay ang materyal: ang sisidlan (ang celluloid o video file) ay hindi pa talaga ang pelikula kung hindi ito maisasalang sa prodyektor o mapapagana sa video player na nakakabit sa isang screen (telebisyon man o computer). Ang pelikula ay ang bagay na ipinapalabas mula sa mga sisidlang nabanggit at tinututukan ng atensyon para panuorin sa isang tiyak na panahon. Hindi nabubuo ang pelikula kung wala ang gawain ng panunuod.
Sa kabilang banda, ang ‘sinema’ / ‘cinema’3 naman ay maaaring tignan sa pragmatikong punto sa wika mula sa mga sumusunod na halimbawa ng paggamit ng salita: “Philippine Cinema”, “Third Cinema”, o di kaya “in cinemas, August 26.” Sa pinakahuling halimbawa, ang ‘cinema’ ay tumutukoy sa mga bahay-tanghalan kung saan ipinapalabas ang mga pelikula. Sa unang dalawang halimbawa, ang ‘cinema’ ay tumutukoy sa pinagsamasamang praktika na nakapaluob at umiikot sa bagay na tinatawag nating pelikula. Ang “cinema” sa puntong ito ay ang bukal ng praktikang panlipunan na tumatagos mula sa produksyon, distribusyon at konsumsyon ng nasabing bagay.
Maaaring sa ibang konteksto, ang pagtukoy sa ‘pelikula’ ay tumutukoy lamang sa bahagi ng produksyon, dahil ito ay nakasentro sa ‘pelikula’ bilang bagay. Ang mga sulating astetiko kadalasan ay tumutukoy lamang sa ‘pelikula’ bilang bagay: pag-usisa ng formal na aspeto at ang mga posibleng ibig sabihin ng integrasyon ng mga formal na elemento.
May tendensiya naman ang ilang mga mag-aaral ng media at cinema na pag-palitin ang pag-gamit sa dalawang salita. Kahanay ng tendensiyang ito ang pag-giit sa industriyalistang pakiwari ng parehong mga salita. Ang problema sa tendensiyang ito ay hindi ito isinasa-alang-alang ang pinakaimportanteng punto kung bakit nagiging ‘cinema’ ang ‘pelikula’: ang manunuod. Matutukoy sa mga susunod na bahagi ng seryeng ito ang pag-giit sa pag-saalang-alang sa manunuod (gaano man ka-abstrakto ito) bilang bahagi ng praktikang panlipunan ng sinema.
Ang paggamit sa salitang ‘sinema’ upang pangalanan ang paksa ng pagaaral, tulad ng nabanggit sa itaas, ay nagmumula sa punto ng adaptasyon at indigenization. Maaaring humalaw ang ilan o karamihan sa mga bahagi ng seryeng ito mula sa mga banyagang pagkukunan at sulatin ngunit sisikapin ang marapat lamang na pag-babalik ng usapin sa konteksto ng sinema sa Filipinas.
Ang paghahambing at pagtatangi sa mga salitang ‘sinema’ at ‘pelikula’ ay magbibigay ng malinaw na direksyon sa pag-aaral sa seryeng ito. Ang paksa ay di lamang ang pelikula bilang bagay. Bahagi lamang ito ng pag-aaral ng sinema na ang punto ng pagsisisyasat ay hindi lamang ang bagay na pinapanuod, maging ang nanunuod nito, ang bumubuo dito, at ang konteksto kung papaano pinapanuod at/o binubuo ang mga ito.
Mga Tala
[1] Rolando Tolentino, “Pambansang Sinema mula sa Antagonismo at Kolaborasyon ng Indie at Mainstream Cinemas.” Mula sa Indie Cinema at mga Sanaysay sa Topograpiya ng Pelikula sa Filipinas. Manila: University of Santo Tomas Publishing House, 2016. p. 3-9.
[2] nanggaling sa kastilang ‘pelicula’ na ibig sabihin ay manipis na bagay; na hinalaw sa latin na ‘pelle’ na ang ibig sabihin ay “balat”
[3] Mula sa pinaikling salitang ‘cinematographe’ sa Pranses, na inimbento ng magkapatid na Lumiere para sa kanilang imbensyon na pinagmulan ng teknolohiya at praktika ng pagpepelikula.
Leave a Reply