Salin ng “Art” mula sa Keywords: A Vocabulary of Culture and Society. New Ed. Oxford & New York: Oxford University Press, 2015. pp. 9-11.
Paunang Babala: Ang tekstong ito ay isang direktang salin ng sanaysay mula sa Ingles. Ang ortograpiya at/o balarilang ginamit ay malapit sa tono ng orihinal na teksto. May mga bagay at pangungusap na isinalin ko ng mabilisan at ang salin na ito ay di pa nag-dadaan ng pagpa-patnugot.
Maaaring tignan ang orihinal na teksto sa Ingles dito.
Ang orihinal na pangkalahatang kahulugan ng salitang sining (Art), na tumutukoy sa kahit anong kahusayan (skill), ay ginagamit pa rin sa Ingles. Ngunit may mas partikular (ispesyalisado/specialized) na kahulugan na mas madalas nang ginagamit, sa Ang Sining at sa mas malawak na saklaw sa Artista.
Ang salitang Art ay ginamit sa ingles mula pa noong ika-13 siglo, mula sa salitang art sa Lumang Pranses na may salitang ugat sa Latin na artem na nangangahulugang kahusayan (skill). Ang kahulugang ito ay malawakang ginagamit; wala itong pinatutungkulang ispesyalisasyon hanggang sa huling bahagi ng ika-17 na siglo, sa iba ibang paksa tulad ng matematika, medisina at pangingisda. Sa mga curriculum ng mga pamantasan noong Medieval na panahon sa Europa, ang arts (‘the seven arts’ at di naglaon, ‘Liberal Arts’) ay ang balarila, lohika, retorika, aritmetik, geometry, musika at astronomy, at ang salitang artist ay unang ginamit sa kontekstong ito mula noong ika-16 na siglo. Pero sa mga kontemporaryong paggamit, para sabihin na mahusay ang isang tao (kung saan may parehong pakiwari sa artisan hanggang noong huling bahagi ng ika-16 na siglo) o praktisyuner ng isa sa mga sining sa isa pang pagpapangkat, na pinangungunahan ng pitong musa: kasaysayan, panulaan, komedya, trahedya, musika, pagsayaw at astronomy. Mula noong huling bahagi ng ika-17 na siglo, mas naging palasak ang specialized na pag-gamit ng salita sa isang pangkat ng kahusayan na noo’y hindi nito kinakatawan: pagpipinta, pagguhit, pag-ukit at iskultura. Ang ngayo’y dominanteng paggamit ng mga salitang art/sining at artist/artista ay tumutukoy sa mga nabanggit na gawain at kahusayan ay hindi ganap na natatag hanggang sa huling yugto ng ika-19 na siglo. Ngunit dito sa pagpapangkat na ito, na may ispesyal na pagtutukoy sa pag-tatangi ng mga nag-uukit mula sa bagong Royal Academy noong huling bahagi ng ika-18 na siglo, nabuo ang pangkalahatang pagtatangi sa pagitan ng artist at artisan – kung saan ang artisan ay tumutukoy mula sa isang ispesyalisado patungo sa “mahusay na manwal na paggawa” na walang “intelektwal” o “mapanlikha”(imaginative) o “malikhaing” (creative) gamit – ay napatibay at napasikat. Ang pagbuo ng konsepto ng artisan, at ng kahulugan ng scientist noong gitnang bahagi ng ika-19 na siglo, ang nagbigay-daan para sa ispesyalisasyon ng artist at sa pagtatangi hindi na ng liberal kundi ng fine arts.
Ang pag-usbong ng abstrakto at capitalized na Sining/Art (o Sining na may malaking titik S / Art with a capital A), na may sarili nitong internal ngunit pangkalahatang katangian, ay mahirap tukuyin. May mga maaaring matukoy na naging gamit noong ika-18 na siglo, ngunit noong ika-19 na siglo ito naging mas palasak. Kaugnay nito ang pagunlad sa kasaysayan ng mga konsepto ng kultura / culture at astetika / aesthetics. Sa liham ni Wordsworth sa pintor na si Haydon noong 1815: ‘Mataas ang ating misyon, kaibigan, Malikhaing Sining.’ Ang normal na sa ngayon na ugnayan ng salita sa creative at imaginative, bilang punto ng pag-uuri, ay matutukoy mula pa noong huling bahagi ng ika-18 na siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo. Ang pang-uring artistic ay matutukoy mula noong gitnang bahagi ng ika-19 na siglo. Sa parehong panahon din matutukoy ang masining na ugali (artistic temperament) at masining na sensibilidad (artistic sensibility). Maging ang artiste, isa pang naglaong pag-tatangi ng ispesyalisasyon upang tukuyin ang mga tulad ng mga aktor at mang-aawit, sa gayo’y napananatili ang artist para sa mga pintor at iskultor at (mula noong gitnang bahagi ng ika-19 na siglo) para sa mga manunulat at kompositor.
Nakawiwili ring pansinin kung anong mga salita, mula sa iba’t ibang panahon, ang madalas pinangbuubukod o pinang-kokontra sa art. Ang salitang artless, bago ang gitnang bahagi ng ika-17 na siglo, ay nangangahulugang “hindi mahusay” o “walang husay”; magpa-sa ngayo’y nagagamit pa rin sya. Ngunit mayroong naunang pag-bukod sa pagitan ng art/sining at nature/kalikasan; ang pagtatangi sa mga bagay na nilikha ng tao at mga bagay na mula sa mga taglay na katangian. Mula sa gitnang bahagi ng ika-17 na siglo, at lalo noong huling bahagi ng ika-18 na siglo, nagkaroon ng positibong katuturan ang artless na tumutukoy sa spontaneity maging sa sining. Maaaring ang ibig sabihin pa rin ng art ay kahusayan at industriya o masigasig na kasanayan (diligent skill) at sila’y tunay na magkaugnay, ngunit sa punto ng abstraksyon at ispesyalisasyon, mula noong unang bahagi ng ika-19 na siglo, ay madalas silang pinagbabangga bilang magkabukod na larangan sa pagitan ng imahinasyon at pakinabang. Hanggang noong ika-18 na siglo, karamihan ng agham ay napapaloob sa arts/sining; ang modernong pagtatangi sa pagitan ng agham at sining, bilang magkabukod na larangan ng kahusayan at pagsisikap, na may pundamental na pagkakaiba sa pamamaraan at layunin, ay matutukoy mula noong gitnang-bahagi ng ika-19 na siglo, pero mas maaga pa rito ay napag-babangga na ang dalawang salita sa pagtatangi ng mga salitang ‘teorya’ at ‘praktika.’
Itong komplikadong pagtatangi sa kasaysayan sa pagitan ng magkakaibang uri ng kahusayan at sa pagitan ng magkakaibang batayang layunin sa paggamit ng mga natukoy na kahusayan ay maliwanag na may kaugnayan sa mga pagbabago sa praktikal na paghahati ng pag-gawa at sa pundamental na pagbabago sa mga parktikal na pakahulugan ng mga layunin ng pag-gawa. Maari itong maiugnay una sa mga pagbabago sa loob ng kapitalistang produksyon ng kalakal, kaakibat ng mga ispesyalisasyon at pag-papababa ng mga halagang-gamit (use-values) patungo sa halagang-palitan (exchange-values). May kagyat na ispesyalisasyon ng ilang mga kahusayan at layunin sa Sining o sa humanidades kung saan ang mga forma ng pangkalahatang gamit at pakay na hindi kaagad matutukoy ng pakikipagpalitan ay maaaring mapagpalagay sa konseptwal na abstraksyon. Ito ang pormal na batayan sa pagtatangi ng sining at industriya, sa pagitan ng fine arts at useful arts (ang huli ay nagkaroon ng mas ispesyalisadong salita bilang teknolohiya.)
Ang artista ay natatangi sa perspektibang ito hindi lang mula sa mga scientist at technologist – na sa mga naunang panaho’y tinuturing din na artist – kundi maging sa artisan at craftsman at skilled worker, na ngayo’y mga operatiba sa punto ng mga partikular na pakahulugan at pagkakabuo ng pag-gawa. Habang ang mga praktikal na pagkakaibang ito ay nabibigyang diin sa loob ng isang partikular na moda ng paggawa, ang art/sining at artist/artista ay nagkakaroon ng mas malawakang (at mas malabong) mga pinatutungkulan. Inaalok nito ang pagpapahayag ng isang pangkalahatang makataong (i.e. di kapaki-pakinabang) na interes, kahit na karamihan ng likhang-sining ay sa katotohana’y itinuturing na kalakal at karamihan ng mga artista, sa kabila ng pagpapahayag ng ibang intension, sa katotohana’y tinuturing na kategorya ng mga independent craftsmen o skilled workers na nagpo-produce ng isang partikular na uri ng marginal na kalakal.
Leave a Reply