Ang sulatin na ito ay bahagi ng proyektong Krisis at Pelikula na naglalayong ihanay ang kasaysayan ng Sineng Filipino sa kasaysayan ng Filipinas bilang kasaysayan ng tunggalian ng uri. Sinimulan ang proyekto noong 2017 at ngayon ay tinatangkang tapusin bilang isang mahabang monograpo na nahahati sa anim na kabanata.
Ang sulating ito ay pagtatangka na masimulan ang pag-uungkat ng kilusang manggagawa sa Sineng Filipino at sa industriya ng sine sa Filipinas.
Sampaguita-Vera Perez Workers’ Union
Hindi katakataka na mas nabibigyang pansin ang mga burokrata kapitalista at mga pyudalista sa industriya ng pelikula sa malapyudal at malakolonyal na bansang ito. Unting paghahanap lamang sa Google hinggil sa Sampaguita Pictures, ay mas madaling makikita natin ang mga artikulo hinggil sa mga “haligi” daw nito, tulad ng mga obitwaryo para kay Ma. Azucena Vera-Perez Maceda noong 2021.
Bihira makahanap ng mga sulatin hinggil sa kilusang manggagawa sa industriya. Lalong mahirap makahanap ng pangalan ng mga organisador o miyembro man lang ng mga ito. Sa limitadong paghahanap sa internet, matitisuran ang pagkakakilanlan ng ilang mga unyon at organisador sa mga desisyon ng korte suprema hinggil sa mga tunggalian sa pagitan ng mga burokrata kapitalista at mga manggagawa.
Isa dito ang Sampaguita-Vera Perez Workers’ Union (SVPWU). May diin ang kaisa-isang dokumentong accessible sa internet hinggil sa nasabing unyon tungkol sa petisyon ng unyon sa patas na pasahod. Noong February 6, 1957, ang SVPWU ay naghain ng kahilingan sa Sampaguita Pictures na ibigay ang nararapat na pasahod, lalo na ang kanilang mga overtime pay ngunit hindi ito napakinggan. Apat na araw ang lumipas, February 10, 1957, ay nagsumite ang unyon ng abiso para sa strike sa Department of Labor.
Ang dokumento kung saan inangat ang impormasyon sa sinundang talata nito ay mula sa petisyon ng Sampaguita Pictures na dumistansya ang Court of Industrial Relations sa kasong ito dahil daw sa hindi sapat na bilang ng manggagawang naghain ng demanda. Ang desisyon ng korte ay iginiit ang bahagi nila dito at ang pagbibigay ng nararapat na pasahod para sa mga manggagawa.1
January 10, 1951: piket sa Dalisay Theater
Sa isang feature article ng The Philippine Star na inilabas sa kanilang website noong July 31, 2016, isinaad dito ang kasaysayan ng Dalisay Theater.2 Ang Dalisay Theater ay ipinatayo ng negosyanteng si Josefa Santamaria noong 1934. Ito ang kauna-unahang sinehan sa Rizal Ave. (o mas kilala sa bansag na Avenida). Mula 1949, si Dona Narcisa vda. De Leon (o Dona Sisang) ng LVN Pictures na ang may-ari ng lupa na kinatatayuan ng Dalisay Theater (na sa huli, ay ginarantiya na rin ng kondisyon ng pagpapaupa sa Filipino Theatrical Enterprise, Inc. ang pagmamay-ari ni de Leon ng gusali mismo ng sinehan). Ang sinehan na ito ay pinalalakad noon ng LVN, Sampaguita Pictures, at Premiere Productions mula nang 1949. Noong 1951 ay tuluyang nagkaroon ng kontrol si de Leon sa gusali at agad na pina-giba at pinatayuan ng bagong sinehan na may mas malaking kapasidad na aabot sa 1,012 na upuan.
Naka-schedule na mag-bukas ang New Dalisay Theater noong January 10, 1952 at itatanghal ang pelikulang Dimas na pinagbidahan nila Rogelio dela Rosa at Lila Dizon, sa direksyon ni Nemesio Carvana. Nakatalaga bilang ekslusibong sinehan para sa mga palabas ng LVN Pictures.
Ngunit hindi naging banayad ang panibagong pagbubukas nito. Sa pag-kamal ng kontrol ni de Leon sa gusali noong 1951 ay siya namang pagpapanibagong hulma ng kondisyon ng pagpapaupa dito, na sya ring tumungo sa terminasyon ng ugnayan ng Dalisay at ng Filipino Theatrical Enterprise Inc. Ang terminasyon ng ugnayan na ito ay tumungo sa pag-sibak ng mga manggagawa ng lumang sinehan.
Sa muling pagbubukas ng Dalisay Theater nong 1952, nagtalaga ito ng bagong hanay ng mga trabahador, at nag-iwan lamang ng apat na lumang empleyado. Nag-lungsad ang tatlumpung nasibak na empleyado sa suporta ng National Labor Union ng piket sa Dalisay Theater sa pagbubukas nito noong January 10, 1952 mula 9:00 ng umaga hanggang 2:30 ng hapon. Bitbit ng mga demonstrador ang panawagan na pagbibigay hustisya laban sa di-patas na pagturing nito sa mga dating empleyado at muling bigyang saysay ang ugnayan sa pagitan ng Dalisay Theater at Filipino Theatrical Enterprises, Inc.
Isinara ang sinehan sa oras na nagaganap ang pagpipiket. Tagumpay ang pagpipiket na negatibong naapektuhan ang tubo ng sinehan na kalahati lamang sa tinatanaw na kita ng Dimas sa unang araw nito ang kinamal (P1250 lamang sa tinatanaw na 2500 para sa unang araw nito). Sa isang petisyong inihain ng mga burokrata-kapitalistang mga istudyong pampelikula, iginiit na iligal ang naganap na pagpipiket na ito ng mga manggagawa mula sa Filipino Theatrical Enterprises at National Labor Union at sinisingil ang unyon at mga manggagawa sa “danyos” ng nawalang kita noong unang araw ng Dalisay Theater. Ang Korte Suprema ng Pilipinas ay pumanig sa mga manggagawa sa desisyon noong January 30, 1957 at iginiit na ang nangyaring pagpipiket ay mapayapa at legal na idinaos bilang bahagi ng kalayaan sa pananalita na binibigyang garantiya ng Saligang Batas ng Filipinas.3
LVN Pictures Employees and Workers’ Association at ang LVN Pictures Checkers Union
Naghain ng petisyon ang LVN Pictures Employees and Workers Association (LVN-EWA) at ang LVN Pictures Checkers’ Union (LVN-CU) sa Court of Industrial Relations hinggil sa panwagan nito sa karampatang benipisyo sa mula 1959 hanggang sa pagsasara ng produksyon ng LVN Pictures noong 1961.4
Nagbuo ng collective bargaining agreement (CBA) ang LVN-EWA at ang LVN Pictures noong Abril 23, 1959 na may bisa hanggang ika-31 ng Disyembre 1960. Sa mga panahong ito, ginampanan ng mga manggagawa, kasapi man o hindi ng unyon, ang kanilang mga trabaho mula sa mga cameraman, soundman, soundtechnicians, karpintero, electricians, drivers, laboratory personnels at iba pang mga manggagawa. Ang kasunduang ito ay pumagitna sa ulat ng LVN na labis na pagbagsak ng kanilang tubo mula 1957.
Dahil sa sitwasyong umano ng “pagdurusa” ng LVN, ay minarapat nitong palitan ang kanyang sistema ng pasahod mula sa buwanang pasahod patungo sa “pakyawang” pasahod. Ang “pakyawan” ay kontraktwal na kasunduan na binbayaran lamang ang manggagawa hindi sa pamamagitan ng araw at oras na inilagi nito sa produksyon, kundi sa bilang ng mga proyektong kinabilangan nito. Iprinisenta ito ng LVN sa LVN-EWA noong ika-9 ng Abril, 1960 ngunit hindi ito sinang-ayunan ng unyon. Minungkahi ng LVN na babaan na lamang ang pasahod na sya ring tinanggihan ng unyon.
Nang materminate ang CBA sa Unyon noong 1960, nagmungkahi ang LVN-EWA an buksan muli ang pakikipag-usap nito sa LVN. Ngunit nagdesisyon ang stockholders ng LVN na tuluyan nang tumigil sa produksyon ng pelikula noong Ika-20 ng Marso, 1961, dahilan upang mawalan ng trabaho ang 84 na manggagawa.
Ganito rin ang naging kapalaran ng unyon ng mga cheker ng LVN.
Malinaw na aral ang desisyong ito ng LVN na hindi na lang pag-bigyan ang kahilingan sa sapat na pasahod ng mga manggagawa, dahil sa legalidad ng malawakang pag-sibak ng manggagawa sa kondisyon ng deklarasyon ng pagkalugi ng kompanya.
May ilang kabalintunaan ang mga pangyayari: ang deklarasyon ng pagkalugi ng LVN ay ayon daw sa “di kontroladong” mga pangyayari, ngunit bago ang kanilang paghinto ng priduksyon noong 1961, may mahigit pang 320 na pelikula silang naiproduce na maaari pang maipalabas, ngunit ito ay dineklara ng LVN sa mas mababang halaga na P1.00 lamang kada isang pelikula.
Mga Tala
- Sampaguita Pictures, Inc., et al vs Court of Industrial Relations et, al (Supreme Court of the Philippines, October 25, 1960) G.R. No. L-16404. https://www.lawphil.net/judjuris/juri1960/oct1960/gr_l-16404_1960.html
- https://www.philstar.com/entertainment/2016/07/31/1608346/history-dalisay-theater
- NARCISA B. DE LEON, LVN PICTURES, INC., SAMPAGUITA PICTURES, INC., LEBRAN PICTURES, INC, INC., AND PREMIER PICTURES, INC., vs. NATIONAL LABOR UNION, EULOGIO R. LERUM, JOSE HERNANDEZ, ALEJANDRO BARTOLOME, NICOLAS CABRERA, JOSE RAMOS, ET AL. (Supreme Court of the Philippines, January 30, 1957) G.R. No. L-7586 https://lawphil.net/judjuris/juri1957/jan1957/gr_l-7586_1957.html
- G.R. No. L-23495 September 30, 1970 https://lawphil.net/judjuris/juri1970/sep1970/gr_23495_1970.html
Leave a Reply