Naisip ni Momoy isang araw na kung may uulitin siya sa buhay nya, sana ay inayos niya ang pag-aaral noong high school pa. Naka-graduate naman siya sa tingin niya lang ay mas nasa magandang lagay sana siya ng buhay kung naging top ten siya ng klase. Katamtaman niya lang tinignan ang kabuuan ng pag-aaral niya ng high school. Hindi naman sa hindi niya ito sineryoso, sadyang may ibang bagay lang siya na mas pinagtuunan ng pansin: ang pag-tugtog ng gitara.
Siguro nga naging sagabal sa pagkuha ng mas mataas na marka ang pagkahilig niyang ito sa musika noong kabataan niya. Pilit niyang pinagsabay ang interes sa pag-tugtog at pagbubuno sa Kasaysayan ng Asya, Geometry, Panitikang Asyano at kung ano pang sabay sabay na binabasa at pinababasa sa silid aralan. Pero hindi aksidente itong pagkahilig na ito. Lumaki siya sa isang tahanan na mahilig din sa musika kaya hindi rin lingid sa kaisipan ng mga ka-anak niya ang pagiging kakaiba ng hilig na ito.
Hindi kakaibang pangyayari na laging bukas ang radyo sa bahay nila Momoy noong nasa high school siya. Patapos na ang school year noong ikalawang taon nya nang mahinto ang pag-pasok nila sa paaralan dahil sa pagsasara nito noong kasagsagan ng pag-aaklas sa EDSA noong ika-22 hanggang 25 ng Febrero 1986. Bago mangyari ito, mas madalas na ang kuya niyang si Ramil ang gumagamit ng radyo at nakadial parati sa DZRJ 100.3. Kaya masaya si Ramil, buong ligalig, nang magbalik na sa tugtuging rock ang RJ matapos ng halos isang araw na broadcast ng Radyo Bandido, at ilan pang araw ng pagiging patay ng istasyon.
Hindi na rin namalayan ni Momoy ang mga pangyayari, may kaunting pagka-balisa sa pagsuspinde ng klase, pero guminhawa rin naman dahil sa pasukan ay third year na sila.
Sa pagitan nito at ng paparating na pasukan, isang tipikal na araw ng pakikinig sa DZRJ ang namalas ni Momoy habang nakatunganga sa bintana.
“Moy, laksan mo nga yung radyo”, utos ni Ramil matapos tumugtog ang pamungad na riff ng “Balong Malalim” ng Juan dela Cruz.
“Alam mo, ‘tol”, buwelo ni Ramil kay Momoy, “pakinggan mo yan. Lahat ng kailangan mong malaman sa buhay, isinulat na ni Mike Hanopol.”
e|------------------------|----------------------------|
B|------------------------|----------------------------|
G|-----------10-----------|----------------------------|
D|------10-----10h12p10---|----------------------------|
A|-10h12--12-----------12-|----------------------------|
E|------------------------|-10-10---x-10---x-10---x-10-|
Hindi masyadong naintindihan ni Momoy itong mga salita ni Ramil. Pero may kakaibang tuwa siyang naramdaman nang marinig ang bar ng sipra na iyon. Paano ang isang instrumento na may anim na kordon ay kayang makabuo ng ganoong kalalim na tunog?
Kinagabihan, tinanong ni Momoy ang kanyang ama na si Mateo tungkol dito.
“Siguro, mabuti pa na sumama ka na lang sa handaan sa linggo.” mungkahi ni Mang Mateo.
Linggo ng pagkabuhay, 1986, pumunta sila Momoy at Mang Mateo sa Bagbag, na nagdiriwang ng kapistahan ng parokya. Nilakad nila ang dalawang looban mula sa simbahan ang bahay ni Mang Ermin.
Si Mang Ermin ay dating kasamahan ni Mang Mateo noong tumutugtog pa sila sa barko noong huling bahagi ng dekada 60. Itong lahat ay bagong rebelasyon kay Momoy, na tila ngayon pa lang nakikilala ang ama. Pagkakita ni Mang Ermin kay Mang Mateo ay niyaya agad ito na tumugtog. Siya namang sunod sa sulsol ni Mang Mateo at kinuha ang malaking bajo na nakasandal sa likuran ni Mang Ermin.
“Nako, Ermin, kinakalawang na ko.” Biro ni Mateo.
May tatlo lamang na musikero sa bakuran na iyon, si Mateo sa bajo, si Mang Ermin sa gitara, at isa pang may trumpeta. Naka-titig lang si Momoy kay Mang Ermin habang tumutugtog ito:
G D G D7 G D7
e|----3---3----|----2---3----|----2---2----|----3---3----|----2---2----|
B|----0---0----|----3---0----|----1---1----|----0---0----|----1---1----|
G|----0---0----|----2---0----|----2---2----|----0---0----|----2---2----|
D|----0---0----|0-------0----|0------------|0---0---0----|-------------|
A|-------------|-------------|-------------|-------------|0------------|
E|3------------|-------------|-------------|-------------|-------------|
G D7 G D7 G D7
e|----3---3----|----2---2----|----3---3----|----2---2----|----3---2----|
B|----0---0----|----1---1----|----0---0----|----1---1----|----0---1----|
G|----0---0----|----2---2----|----0---0----|----2---2----|----0---2----|
D|----0---0----|0------------|0---0---0----|-------------|----0--------|
A|-------------|-------------|-------------|0------------|-------------|
E|3------------|-------------|-------------|-------------|3------------|
G C G D7 G
e|----3---3----|----0---0----|----3---3----|----2---2----|----3---3----|
B|----0---0----|----1---1----|----0---0----|----1---1----|----0---0----|
G|----0---0----|----0---0----|----0---0----|----2---2----|----0---0----|
D|0---0---0----|----2---2----|----0---0----|0------------|0---0---0----|
A|-------------|3------------|-------------|-------------|-------------|
E|-------------|-------------|3------------|-------------|-------------|
C G D7 G
e|----0---0----|----3---3----|----2---2----|----3---3----|
B|----1---1----|----0---0----|----1---1----|----0---0----|
G|----0---0----|----0---0----|----2---2----|----0---0----|
D|----2---2----|----0---0----|-------------|0---0---0----|
A|-------------|-------------|0------------|-------------|
E|3------------|3------------|-------------|-------------|
Sa pagkakataong iyon, ay lalong lumalim ang pagka-mangha at pagtataka ni Momoy tungkol sa pag-tugtog. Tutok na tutok sya kay Mang Ermin, na siyang buong giliw na sumi-sipra ng mga awiting mariachi na syang repertoire ng kanilang kombo noong nasa barko pa.
Matapos ang ilang kanta, ay umupo na ang magkukumpare sa bilog na mesa at nagkayayaang mag-tagay. Sa gitna ng pag-tungga. umenyas ng lapit si Mang Mateo kay Momoy.
“Ermin, haha. Naalala mo pa to si Momoy?”
Nag-alok ng pagmamano si Mang Ermin kay Momoy na siya namang tinugunan nito.
“Gusto yata nito na matuto mag-gitara.” Sulsol ni Mang Mateo.
“Ayaw mo mag-bajo, ijo?” biro ni Mang Ermin. Hindi pa alam ni Momoy kung ano ang bajo kaya umiling ito.
Hagikhik naman ang naisagot ni Mateo. “Baka isipin nyan kung anong baho ang inaalok mo.”
Nagtagal ang inuman ng magkukumpare, matagal tagal ding hindi napansin ni Mang Mateo ang kanyang anak sa handaan.
Hindi naman mainipin si Momoy, sumapat na rin sa kanya ang pag-ngata ng nakatuhog na hotdog at lumpiang shanghai habang naglalakad-lakad sa bakuran ni Mang Ermin.
“Di ka ba naiinitan dito? Pasok muna tayo sa loob.” Nilingon ni Momoy kung saan nanggagaling ang boses na ito. Nakatingin sa kanya ang nagsabi, siya pala talaga ang kinakausap. Sumenyas ang binata na siya namang sinundan ni Momoy sa loob ng bahay.
Tonton ang pakilala ng binata kay Momoy. Kaisa-isang anak ni Mang Ermin. Sumaglit papalayo si Tonton habang naghihintay sa may salas si Momoy. Papatapos na ang pinaiikot na plaka sa turntable at naririnig ni Momoy na ang halishis ng karayom nito. Dumating si Tonton na may dala-dalang ilang mga plaka pa, at paglapit nito sa turntable ay niligpit niyo ang tapos nang patugtugin: Pet Sounds ng Beach Boys.
“Korni din talaga si Papa minsan.” Parang taguri nito sa Beach Boys. Sabay hugot ng plaka mula sa isang itim na lagayan: Master of Reality ng Black Sabbath. Hindi maintindihan ni Momoy ang napakikinggan niya: matapos ng ubo ng kung sino ay napakalalim na tunog.
e|-------------------------------|-------------------------------|
B|-------------------------------|-------------------------------|
G|-------------------------------|-------------------------------|
D|---------x--x--7--6--5-----5/7-|---------x--x--7--6--5-----5/7-|
A|-7---7---x--x--5--4--3-----3/5-|-7---7---x--x--5--4--3-----3/5-|
E|-5---5-------------------------|-5---5-------------------------|
Napapatango si Momoy sa indayog. Bago sa kanya ito. Nakapikit nang tumatango tango naman si Tonton habang parang nag-gigitara sa kawalan.
“Ayos yan Ton.” Maririnig si Mang Ermin mula sa pinto.
“Ton, di ba natago mo pa yung luma kong gitara? Baka pwedeng mapahiram muna dito kila tito Mateo mo. Gusto rin mag-aral tumugtog nito ni Momoy.”
Tatango naman si Tonton. “Kunin ko mamaya, ‘pa.” Nililibang nila ang sarili sa boses ni Ozzy.
Inuwi nila Momoy at Mang Mateo ang isang luma ngunit matibay na gitara.
“Naalala ko yan. Yan yung gamit ni Ermin pag rumaraket sya noon na tumugtog ng ballad sa Gapo kapag nakaka-daong kami.” kuwento ni Mang Mateo. “Siguro mas maigi na aralin mo lang yung gusto mong tugtugin.”
Buong bakasyon ay sinubukan ni Momoy na aralin ang instrumento mula sa ilang kopya ng Jingle Chordbook na pagmamay-ari ni Ramil. Noon din natuklasan ni Momoy ang talas ng kaniyang pandinig, nang kinakaya na nyang matugtog mula sa pakikinig lamang ang mga napapakinggan.
Nagdaan ang buong high school niya, maging ang pagpasok sa kolehiyo, sa pag-pilit na bumuo ng banda kasama ang kaniyang mga kaklase. Sa pag-daan ng panahon ay hindi namalayan ni Momoy na ang gitara pa rin ni Mang Ermin ang gamit nya sa pag-ensayo at pag-aaral ng mga kanta. Isang araw pag-uwi nito mula sa kanyang internship, sa ika-apat na taon sa pagkuha nito ng kursong Mass Communication, noong 1990, sinubukan niyang kamustahin si Mang Ermin mula sa tatay niya. Matagal tagal tumingala si Mang Mateo upang alalahanin.
“Kung iisipin mo nga ano, mula noong piyesta ng pagkabuhay na pumunta tayo sa Bagbag, di na natin nabalikan si Ermin.”
Dinugtungan ito ni Mang Mateo ng mahaba-habang kuwento tungkol kay Tonton. Maraming bagay ang hindi nakuha ni Momoy sa pag-kukuwento ni Mang Mateo pero isa ang malinaw sa kanya: isang taon matapos ng pagbisita noong piyesta ng pagkabuhay ay lumipat sa Quezon ang mag-anak ni Mang Ermin dahil nabuntis daw ni Tonton ang kasintahan nito bago pa man sila makapag-tapos ng high school. Sa Quezon sila nakipamuhay kasama ang kasintahan, at di naglaon ay asawa ni Tonton.
Matagal tagal din matapos ang pag-uusap na iyon ay nilakad ni Momoy ang landas ng pagiging empleyado. Isang araw, 1999, ay binigyan sila ng kompanya ng forced paid leave, kailangan daw i-upgrade ang mga computer nila para maging Y2K ready. Makalipas ng ilang taong pagtatrabaho, napilitang mag-leave si Momoy. Wala rin naman siya talagang ginagawa sa labas ng opisina kaya nagkubli na lang siya sa bahay.
Sa mainit na hapon ng sapilitang pagbabakasyon, muling nakapakinig ng ng radyo si Momoy. Pero dahil nagsarili na ang kaniyang kuya Ramil sa kaniyang pamilya, iba na rin ang pinakikinggan niya: kung hindi LA 105, ay RX93.1. Bigla siyang nangulila sa pagtugtog nang marinig ang bagong kanta ng Eraserheads na pinatutugtog sa RX. Sa pagbangon ay hinalukay niya ang gitarang hiniram kay Mang Ermin na matagal nang nakakubli sa aparador. Sintunado na ito, pero matibay naman ang mga pisi na parang di kinalawang sa ilang taon ng pagpapabaya. Pagkatono at pagkabuwelo ng tugtog, may hindi mapaliwanag na pakiramdam na naranasan si Momoy. Tumaas ang buhok nito sa braso nang ipatong niya ito sa gitara, at naramdaman ang tila mainit na haplos mula sa siko patungo sa kamay nito.
Tumugtog si Momoy ng marahan, na sinimulan niya sa pag-pusisyon ng mga daliri sa D, at tuloy tuloy at marahan na pag-sipra ng mga sumunod na nota, sa 3/4 na indak.
e|-2-----------5/2-2-------------0-----0-------0---------2/3-2-|
b|-3-3-------1---------------3-----3-----2-3-4---3-2-3---3---3-|
g|-2---2---2-------------------0-----0-----------------2-------|
d|-0-----1-----------2---2/4-------------------2-----0---------|
a|---------------------2-----------------0-2-3-----------------|
E|-------------------0-----------------------------------------|
Hindi ito maipaliwanag ni Momoy. Sa tinagal-tagal niya ng hindi pagtugtog ay kaya niyang sumipra ng awiting may komplikadong areglo? Marahan na sunod sunod ang pagpusisyon ng daliri sa D, D#dim, Em, Em7, A at A7, sa pa-balse na indak.
Sa pagtugtog ay nakaririnig siya ng marahan na boses na bumubulong sa kaniya: “…quiero ver a que sabe tu olvido / sin poner en mis ojos tus manos.” Tumindi ang pag-angat ng kaniyang balahibo, at sa pagkatakot ay nabitawan niya ang gitarang tinutugtog sa pagkasindak. Tumindi ang pagkatakot niya nang hindi tumigil sa pagtugtog ng awitin ang gitara matapos itong mabitawan, na siya namang takbo ni Momoy papalabas ng kuwarto.
Nagulat si Momoy nang mabunggo nito ang kaniyang tatay paglabas ng kuwarto. “Bat ganyan ang itsura mo? Para kang nakakita ng multo.”
Kinagabihan ay takot pa rin ang bente otso anyos na si Momoy. Hindi nakatulong na ang palabas sa TV ng mag-ha-hatinggabi ay puro katatakutang dulot ng Y2K. Dumaan ang magdamag na hindi siya nakabalik sa kuwarto. Pag-sikat ng araw ay siyang bangon ni Momoy na masakit ang leeg dahil sa paghilata sa monobloc na couch sa tapat ng TV. Palabas na ang pang-umagang cartoons ng sabado, masiyado nang huli para sa pandesal.
Hindi nya namalayan ang kaniyang pagpasok na muli sa kaniyang kuwarto. Nang makita niya ang gitara ni Mang Ermin sa sahig, siya namang balik ng takot nito. Napahinto siya ng saglit. Ano ba yung tinugtog niya kagabi? Medyo pamilyar sa kanya pero hindi.
“Moy, di ka ba maga-almusal?” Tanong ni Mang Mateo sa kanya. Pagsilip nito sa kuwarto ni Momoy ay nakita niya itong nakatingin sa gitara sa sahig. “Kailan mo pa inaral tugtugin yung Ultimo Trago? Narinig ko na kinakanta mo kagabi habang tinutugtog” Napuno ng pagtataka si Momoy.
Kinahapunan, binalikan ni Momoy ang gitara sa kuwarto. Sinubukan niya itong i-ligpit ngunit may kung-anong kagustuhan sa kaniya ang tumugtog. Napaupo siya at napatugtog ng gitara. Ipinuwesto niya ang mga daliri sa isang chord na hindi pa niya natutugtog kahit kailan.
e|--------|
B|--3-----|
G|--2-----|
D|--2-----|
A|--3-----|
E|--------|
Marahan ang pagtugtog, baba taas lamang ang pagkalabit sa mga kuwerdas. Mabagal at matagal. At lilipat ito ng
e|--------|
B|--1-----|
G|--2-----|
D|--2-----|
A|--------|
E|--1-----|
Parehong bagal, kalabit, at tagal.
e|--------|
B|--3-----|
G|--4-----|
D|--3-----|
A|--------|
E|--3-----|
At muli, parehong bagal, kalabit, at tagal
e|--------|
B|--5-----|
G|--5-----|
D|--3-----|
A|--5-----|
E|--------|
Nakaramdam si Momoy ng di mapaliwanag na bigat: kalungkutan, pangungulila, kawalang pag-asa, sa kabila ng pagka-gaan ng ulo, maririnig nito ang kaniyang ama na tumatawag sa kaniya.
“Momoy!”
Magigising si Momoy na ina-alog-alog ng kaniyang tatay.
Magigising kinabukasan si Momoy na pawis na pawis. Nakatayo na sa sulok ng kuwarto niya ang gitara. Mauupo siya mula sa kinahihigaan upang alalahanin ang nangyari kahapon: wala siyang maalala, maliban sa pag-gising sa kaniya ng ama, at ang bigat ng tinugtog niyang musiko. Muli niyang tinitigan ang gitara sa sulok ng silid, maaaninag mo ang mga gasgas sa katawan nito sa taon ng pag-gamit. Bumuhos sa kaniya ang mga ala-ala ng pagtugtog nito habang mapalitan ng parehong pangungulila sa nakaraan ang takot na naramdaman niya noong isang araw lang. Ngunit may ibang lungkot ang dulot ng pag-tingin niya dito sa instrumento ngayong umaga: may misteryong hindi niya maiwaksi.
Sa hapag-kainan, nagbukas ng usapan nang may bigat sa dibdib ang kanyang Ama: “dalhin mo yung gitara, pupunta tayo ng Quezon mamaya.” Hirap na hirap na ikwento ng ama na, matapos mawala ng ilang araw ay natagpuan si Ermin na lumulutang sa isang ilog ilang kilometro ang layo mula sa kanilang tinitirhan sa bayan ng Nakar.
Mahaba ang biyahe patungo ng Quezon, kinuha ito ni Momoy bilang pagkakataon na usisain kung alam ba ng ama ang kuwento sa likod ng pagkamatay ni Mang Ermin.
Inilahad ni Mang Mateo kung ano ang narinig niya sa isa pa nilang kasama sa combo. Nang lumipat sila Mang Ermin sa Quezon ay nahirapan itong makahanap agad ng trabaho, ngunit iginapang nito ang parehong pag-aaral ni Tonton at ng kaniyang asawa na noo’y sa kanila na nakitira. Nang naipanganak ang panganay ni Tonton, humalili ang mag-asawa sa pag-tatrabaho at siya namang naiwan kay Mang Ermin ang pangangalaga sa apo.
Lumipas ang panahon ay tila lumayo din ang loob ni Tonton sa kaniyang ama. Noong 1995, isinugod si Mang Ermin sa ospital matapos nitong matamaan ng stroke. Hindi naman ganoon kalala ang kinahinatnan ngunit kailangang maging maingat ang pamilya sa posibilidad ng ikalawang beses na stroke. Sa pagdaan ng mga buwan matapos maospital ay bahagi ng kinikita ng mag-asawa ay napupunta sa pagpapagamot ni Mang Ermin na siya namang pinagmulan ng pagkaaborido ng asawa nito na sinimulan nang pagmalupitan si Mang Ermin. Makalipas ng dalawang taon ng pagmamalupit ay pinalabas ng asawa si Mang Ermin at pinilit na tumira sa isang lumang kamalig ilang metro mula sa bahay sa loob ng bakuran. Wala namang imik si Mang Ermin, sinabi na nya lamang kay Tonton na naghahanap din siya ng lugar kung saan siya puwedeng makatulog ng maayos at sapat lamang ang luwag ng kamalig na iyon para sa kaniya.
Sinabi na lang ni Mang Mateo na marahil nagsimula sa puntong iyon ang pag-iisip ni Mang Ermin na wakasan ang buhay niya. Malabo pa rin sa kaniya kung ano ba talaga ang naging susi ng desisyon na iyon at marahil ay hindi na nila malalaman.
Ramdam ni Momoy ang hirap sa pagkukwento ng kaniyang ama, kaya inintindi na niya lamang ang hindi pagbibigay ng maayos na katapusan sa pagkukuwento nito. Sa gitna ng pagmumuni sa biyahe, ay naalalang muli ni Momoy ang tinutugtog niyang musika noong nakaraan. Marahan, malungkot, ngunit maganda. Sa pilit na pag-iisip ay niyakap niya ang gitara ni Mang Ermin, habang inaantok. Sa pagkatulog ay naririnig siya ng kaniyang ama na pakantang bumubulong: Dicen que por las noches / No más se le iba en puro llorar / Dicen que no comía / No más se le iba en puro tomar…
Hindi mapigilan ni Mang Mateo na lumuha sa naririnig na marahang tono na kilalang kilala niya mula pa noong nasa barko pa siya. Sinabayan niya ang pag-awit na ito, na may bigat sa bawat hikbi, habang binabagtas ng bus ang daan patungong Nakar.
Leave a Reply